Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos ang economic cha cha sa pagharap nito sa mga negosyanteng Australyano sa ginanap na Philippine Business forum sa Melbourne.
Ipinunto ng Presidente na kinakailangan talaga ng mga pangunahing pag amyenda sa ilang economic legislation o mga batas pang ekonomiya.
Binigyang katwiran din ng Presidente kung bakit niya bitbit sa kaniyang mga biyahe abroad ang liderato ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
Aniya, ito ay para makita ng mga mambabatas kung aling bahagi ng mga batas pang ekonomiya ang kailangang amyendahan para gawing mas madali sa mga dayuhang mamumuhunan na magpalawak ng kanilang operasyon dito sa bansa.
Ipinunto din nito na iba na kasi ang ginagalawan nating mundo ngayon, bago na ang ekonomiya, na kailangan ng adjustments hindi lamang sa sektor pang negosyo, pribadong sektor, at financial sector kundi maging sa legislative sector.
Kabilang aniya sa mga batas na kailangan ng mga pag amyenda ay ang public service act, foreign investments act, retail trade liberalization act, at renewable energy act.
Dahil dito inimbitahan ng pangulo ang mga negosyanteng australyano na ikonsidera ang pilipinas bilang katiwa tiwalang partner sa kanilang negosyo.
Pagmamalaki pa ng pangulo, dito sa Pilipinas, simple na lamang ang mga procedure, pinaikli na o binawasan ang mga requirement para sa pagbubukas ng negosyo sa tulong na rin ng itinatag na greenlanes.
Ibig sabihin, hindi na pipila pa nang mahaba ang mga dayuhang investor para kumuha ng kailangang permits, lisensiya at clearances para sa bubuksang negosyo sa bansa bagkus ay agad itong aasikasuhin ng kaukulang ahensiya ng pamahalaan.