LEGAZPI CITY – (Update) Patung-patong na kaso ang kakaharapin ng medical center na responsable sa pagtatapon ng medical waste sa baybayin ng Barangay Concepcion, Virac, Catanduanes.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Engr. Yul Antonio Almayda, provincial management officer ng Catanduanes, agad na pinaimbestigahan ng tanggapan ang ulat laban sa Excel Care Diagnostic & Wellness Center na itinuturong nagtatapon ng mga naturang basura.
Nabatid na SIS Polyclinic Diagnostic Laboratory ang orihinal na tawag sa medical center na nagpalit lamang ng pangalan at lokasyon matapos na makagawa ng kaparehong paglabag sa pagtatapon ng medical waste.
Ayon kay Almayda na sa naturang insidente, malinaw na lumabag sa batas ang medical center partikular na sa Republic Act 6969 o “Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Wastes Control Act of 1990” at Philippine Clean Water Act.
Nakikipag-ugnayan na sa ngayon ang kanilang tanggapan sa medical center upang makasunod sa mga ipinatutupad na regulasyon bago pa man ipag-utos ang pagpapatigil ng operasyon nito.
Kabilang sa mga hinihingi ng Provincial Management Office ang deklarasyon ng mga medical waste sa pasilidad, pagkuha ng mga transporter, storage at disposal facility para sa mga basura at pag-renew ng mga kaukulang permit.
Nilinaw naman ni Almayda na hiwalay pa ang kaso sa reklamong paglabag sa RA 6969 na inihain din ng Barangay Concepcion na pinagtapunan ng mga medical waste.