-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa publiko hinggil sa posibleng lahar flow na maaaring idulot ng malakas na pag-ulan bunsod ng masamang panahon.

Ayon kay Resident Volcanologist for Mayon Volcano Deborah Fernandez sa isang panayam ng Bombo Radyo Legazpi, dahil sa pagdaan ng Bagyong Verbena at epekto ng shearline, inaasahang magdadala ito ng matinding pag-ulan sa Bicol Region.

Idinagdag niya na ang Bulkang Mayon ay posibleng mag-generate ng mga lahar flow.

Pinag-iingat ang mga lugar kabilang ang Miisi, Binaan, Mabinit, Buyuan, Anoling, Matanag, Bonga, at Basud Channels.

Aniya, maaapektuhan din ang bayan ng Guinobatan, kung saan madalas ang pagbaha tuwing may malakas na ulan, lalo na sa bahagi ng Masarawag at Maninila Channels.

Sa kasalukuyan, wala pang nakikitang potensyal na lahar flow, ngunit posible pa rin ang mga rockfall events at iba pang deposito mula sa Bulkang Mayon.

Bagama’t nananatili sa Alert Level 1 ang bulkan, binabalaan pa rin ang publiko sa posibilidad ng pagbagsak ng mga batong kasinglaki ng bahay.

Hindi rin isinasantabi ang posibilidad ng phreatic eruptions na may kasamang abo, lalo na ngayong tag-ulan.

Pinaalalahanan ng opisyal ang lahat na iwasan ang paglapit sa 6-kilometer permanent danger zone, gayundin ang mga malapit sa ilog, at maging mapagmatyag sa posibleng lahar flow sa kanilang lugar.