CAUAYAN CITY- Kinondena ni Mody Floranda, national chairman ng PISTON ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo na labis na nakakaapekto sa mga tsuper ng mga pampasadang sasakyan maging ng iba ang sektor lalo na ang mga commuter.
Umabot na aniya sa P7.50 ang itinaas ng diesel mula Enero hanggang ikadalawa ng Pebrero at ang epekto nito ay ang pagtaas din ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Floranda, sinabi niya na kinokondena nila ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo dahil hindi naman lingguhan o buwanan ang pag-angkat ng langis kundi tumatagal ang supply ng mula tatlo hanggang anim na buwan.
Ang ibinebenta ngayon na produktong petrolyo ay nabili noon pang Oktubre 2021 sa halaga 75 bawat bariles.
Dapat aniyang ubusin muna ang supply na nabili sa mas murang halaga bago gumalaw ang presyo.
Ayon kay Ginoong Floranda, muli silang nanawagan na ipawalang bisa na ang Oil Deregulation Law at tanggalin na ang 12% VAT sa langis maging ang TRAIN Law na lalong nagpapahirap sa taumbayan.
Ang epekto nito ay ang tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin ngunit hindi naman tumataas ang sahod ng mga manggagawa.