-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Naniniwala si Leodegario “Ka Leody” De Guzman, National President ng Partido Lakas ng Masa (PLM) na dapat nang umuwi si dating Ako Bicol PArtylist Representative Zaldy Co sa bansa.

Aniya, ito ang natatanging magagawa niya para mapatotohanan ang kanyang mga pahayag laban kay former house speaker Martin Romualdez at President Ferdinand Marcos Jr.

Dagdag pa nito na dapat niya ring ipahayag ang mga alegasyon sa ilalim ng panunumpa upang mapagtibay ang kanyang mga pahayag dahil kung hindi niya ito mapaninindigan, lalabas lamang na siya ang mastermind at haka-haka lamang ang kanyang sinabi.

Samantala, ipinahayag din ni Ka Leody na sa tingin niya ay malabong makasuhan ng Independent Commision for Infrastrusture (ICI) ang pangulo dahil siya mismo ang nagtatag ng naturang organisasyon.

Iminungkahi din niya na bago paman maglabas ng alegasyon si Zaldy Co ay alam na nilang maaaring may kinalaman ang pangulo dahil imposible umanong hindi niya alam ang P100 bilyong insertion sa budget na sakanyang paniniwala ay ginamit sa eleksyon.

Inirerekomenda din ng kanilang grupo na palitan ng People’s Tribunal ang ICI kung nais talagang maging independent ang naturang institusyon.