-- Advertisements --

Nanawagan si House Minority Leader Marcelino “Nonoy” Libanan sa Kongreso na gawing prayoridad ang pagpasa ng panibagong AFP modernization law bago magtapos ang kasalukuyang programa sa 2027 upang matiyak ang tuloy-tuloy at pangmatagalang pagpapalakas ng sandatahang lakas.

Ayon kay Libanan, ang 15-taong Revised AFP Modernization Program na ipinatupad noong 2012 ay nakatakdang magwakas sa 2027, kaya’t mahalaga ang maagap na aksyon ng lehislatura upang maging maayos ang paglipat sa susunod na yugto ng modernisasyon.

Aniya, makatutulong ang maagang pagpasa ng kapalit na batas upang mapanatiling handa, kapani-paniwala, at epektibo ang AFP.

Saklaw ng AFP modernization program ang pagbili ng makabagong kagamitang pandepensa, kabilang ang intelligence at surveillance capabilities, weapons systems, at iba pang mahahalagang kagamitan.

Noong 2025, naihatid ang dalawang bagong 3,200-ton guided-missile frigates na BRP Miguel Malvar at BRP Diego Silang, na umakma sa naunang frigates na BRP Jose Rizal at BRP Antonio Luna na dumating noong 2020 at 2021.

Kasama rin sa mga nakamit ng programa ang pagdating ng limang karagdagang S-70i Black Hawk helicopters at ang pagkontrata para sa 12 FA-50PH supersonic fighter jets. Sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act, ₱40 bilyon ang inilaan para sa modernization projects ng militar, mas mataas kumpara sa ₱35 bilyon noong 2025.

Batay sa mga rekord ng badyet, umabot na sa ₱313.6 bilyon ang inilaan ng Kongreso para sa AFP modernization mula 2013 hanggang 2025, bukod pa sa ₱134.1 bilyon na unprogrammed appropriations.