Naghain na ng kasong kriminal ang mga awtoridad laban sa 15-anyos na estudyanteng sangkot sa malagim na pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City.
Tatlong estudyante ang nasawi at 15 iba pa ang nasugatan sa insidente.
Isang 14-anyos na estudyante rin ang nasa kustodiya na ng mga awtoridad kaugnay ng kaso.
Pareho silang isinailalim sa pangangalaga ng City Social Welfare and Development Office habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Sa imbestigasyon, lumalabas na isa sa mga tinitingnang anggulo sa insidente ay posibleng bullying, ngunit nilinaw ng Police Regional Office 8 na patuloy pa ang mas malalim na imbestigasyon.
Ayon sa PRO 8, hindi nila isinasantabi ang iba pang posibleng motibo, at patuloy nilang inaaral ang lahat ng impormasyong kanilang nakalap.
Lumabas din sa imbestigasyon na posibleng mas maraming putok ang pinakawalan ng mas batang suspek.
Samantala, iniimbestigahan din ang isang babaeng pulis na tiyahin ng isa sa mga suspek matapos umanong magamit ang kanyang baril sa insidente.
Ayon sa pulisya, naka-restrictive custody na ang opisyal at tinanggal na rin sa kanyang puwesto habang nagpapatuloy ang administrative investigation.
Plano rin ng mga awtoridad na isama sa posibleng kakasuhan ang mga magulang ng mga suspek.
Tiniyak din ng PRO 8 na dalawang menor de edad lamang ang direktang sangkot sa pamamaril at wala nang ibang estudyanteng kasama sa pamamaril.











