Tuluyan nang inalis sa Google Play Store at Steam sa Pilipinas ang mobile at PC game na GoreBox.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, bunga ito ng pakikipag-ugnayan ng pamahalaan sa Google, na pinagbigyan ang kahilingan nitong alisin ang laro sa mga digital platform sa bansa.
Dahil dito, hindi na maaaring i-download o laruin ang GoreBox sa Pilipinas. Hindi na rin umano maa-access ng mga user ang laro, kabilang ang mga nakapag-download nito bago pa ipatupad ang restriction.
Ikinatuwa naman ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang mabilis na pagtugon ng Google at Steam sa kahilingan ng pamahalaan.
Ayon sa ahensya, makatutulong ang hakbang sa pagsusulong ng mas ligtas na online environment para sa mga kabataan.
Matatandaang noong Hunyo 23 ay inanunsyo ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang pansamantalang pagbabawal sa GoreBox.
Nauna nang sinabi ng mga awtoridad na lumabas sa kanilang imbestigasyon na isa sa mga suspek sa school shooting sa Tacloban City ay masugid na manlalaro ng naturang laro.
Gayunpaman, wala pang inilalabas na opisyal na konklusyon ang mga awtoridad na may direktang ugnayan ang laro sa insidente.
















