-- Advertisements --

Nais ni Senate President Win Gatchalian na magkaroon ng hiwalay na batas laban sa nihilistic violent extremism (NVE)upang matugunan ang lumalalang kaso ng online recruitment at pag-uudyok sa mga kabataan na gumawa ng karahasan, lalo na sa loob ng mga paaralan.

Ayon kay Gatchalian, ginagamit umano ng mga nasa likod ng NVE ang social media at gaming applications upang makuha ang tiwala ng mga menor de edad, i-groom ang mga ito, at kalaunan ay hikayatin na magsagawa ng mararahas na krimen.

“May sense of urgency sa paggawa ng isang partikular na batas laban sa NVE, online grooming ng mga bata, at brainwashing na nagtutulak sa kanila na gumawa ng karahasan. Gusto nating makipagtulungan sa DOJ, sa pamamagitan ng Senate Committee on Women, upang makabuo ng batas bago pa lumala ang problema,” ani Gatchalian.

Binanggit ng Senate President ang nabigong planong pag-atake sa isang paaralan sa Laguna na kinasangkutan ng pitong menor de edad na iniuugnay sa online game na Roblox, gayundin ang Tacloban school shooting kung saan isa sa mga suspek ay sinasabing labis na naimpluwensiyahan ng violent sandbox game na GoreBox.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, kinilala rin ni Justice Undersecretary Nicholas Ty na hindi sapat ang umiiral na mga batas upang tugunan ang online recruitment ng mga kabataan sa marahas na ekstremismo.

Dahil dito, umaasa si Gatchalian na agad maisusulong ang panukalang batas upang mapigilan ang paglaganap ng ganitong uri ng online radicalization at maprotektahan ang mga kabataan laban sa karahasan.