-- Advertisements --

Patok sa social media ang bagong kantang “Hawak mo ang beat,” na kinagigiliwan ng mga netizens dahil sa masigla nitong rhythm at feel-good vibe, na nagbunsod ng maraming dance videos online.

Pero hindi rin nakaligtas sa pambabatikos matapos lumabas ang mga claims na gawa ito sa Artificial Intelligence (AI).

Ang naturang kanta ay ginawa ni DJ Mogo (tunay na pangalan Sylvain Hernandez) kasama ang kanyang Filipina na asawa.

Aniya, hango sa tradisyonal at masayang cha-cha mula sa Visayas ang inspirasyon ng kanta, kaya’t nagbigay ito ng “light, bouncy, at joyful vibe” na nagdadala ng saya sa dance floor.

Ngunit kasabay ng kasikatan nito, mariing itinanggi ni DJ Mogo ang mga paratang.

“No any part of the song was generated by AI. Authentic, 100 percent made with my hands and my love for the Philippines,” ani DJ Mogo sa isang panayam.

Nagiging mainit na isyu sa industriya ng musika ang paggamit ng AI. Ayon kay Pablo ng SB19, mahalaga ang AI bilang tool, ngunit dapat itong gamitin nang responsable.

Binanggit niya na dapat ituring na ilegal ang paggamit ng gawa ng mga artist nang walang pahintulot.

“Talagang pinaghirapan ng mga artists kung sino sila at paano nabuo ang kanilang output. Kaya kung gagamitin ito ng software o kumpanya nang walang consent, unethical ‘yon at dapat maging ilegal,” ani Pablo.

Nanawagan din siya ng mas mahigpit na regulasyon upang matiyak na napangangalagaan ang mga artist sa kanilang identity at orihinal na gawa.

Samantala, pinayuhan ng Filipino Society of Composers, Authors and Publishers Inc. ang mga gumagamit ng generative AI tools na tiyaking lisensyado ang anumang materyal na ginagamit.