Naglabas ng panibagong memorandum ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) upang palakasin ang depensa ng mga bangko at iba pang institusyong pinangangasiwaan nito laban sa lumalaking panganib na dulot ng artificial intelligence (AI) sa larangan ng cybersecurity.
Ayon sa BSP, mabilis na pag-unlad ng AI ang maaaring magbigay-daan sa mga cybercriminal na mas madaling matukoy ang kahinaan ng sistema, mag-automate ng mga pag-atake, at mas malawak na makapagsamantala sa mga butas ng seguridad.
Binanggit ni BSP Deputy Governor Lyn I. Javier na mahalaga ang matibay na cybersecurity upang mapanatili ang tiwala sa sistemang pinansyal. Aniya, ang mas matatag na depensa ay makatutulong na protektahan ang mga konsyumer at mapanatili ang kumpiyansa sa digital na ekonomiya.
Sa ilalim ng Memorandum No. M-2026-034, hinihikayat ang mga institusyon na magpanatili ng updated inventory ng digital assets, gumamit ng multi-factor authentication, at bawasan ang hindi kinakailangang internet exposure.
Inirerekomenda rin ng BSP ang paggamit ng AI-powered cybersecurity tools para sa mas mabilis na pagtukoy ng banta, pag-monitor ng sistema, at agarang pagtugon sa mga pag-atake. Dagdag pa rito, pinatitibay ang incident response at business continuity plans upang matiyak ang tuloy-tuloy na serbisyo sa gitna ng cyber incidents.
Ang panuntunang ito ay bahagi ng mas malawak na kampanya ng BSP para sa ligtas, responsable, at epektibong paggamit ng teknolohiya sa sektor ng pananalapi.















