-- Advertisements --

Nagpaliwanag si Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) President Philip Juico kung bakit naging mahigpit sila sa paglikom ng liquidation documents ng pole vaulter na si Ernest John “EJ” Obiena.

Ayon kay Juico, naging masinop lamang sila sa pondo dahil maliit na alokasyon lamang ang kanilang pinagkakasya.

Giit ng opisyal, hindi naman mayaman ang Pilipinas kaya dapat maunawaan ng mga atleta na kailangang maging responsable at maagang iproseso ang liquidation documents.

Dagdag pa nito, ang national sports association ang mapapahamak sa oras na mali o kuwestyonable ang anumang bahagi ng financial report.

Pero una nang inalmahan ni Obiena ang alegasyong pineke niya ang mga papeles para sa nagamit nitong pondo.

Katunayan, napaglaanan umano ang lahat ng kailangang bayaran kasama na ang kaniyang coach, taliwas sa mga pinalutang na impormasyon ng PATAFA.