Umaasa si PBA Commissioner Willie Marcial na irerekonsidera ni Blackwater owner Dioceldo Sy ang pasya nito na ibenta ang franchise ng Elite.
Ayon kay Marcial, sakaling buo na ang pasya ni Sy na ibenta ang prangkisa, dadaan daw ang interesadong buyer sa mahaba at masalimuot na proseso bago maangkin ang koponan.
“Hindi ko pa siya nakausap tungkol diyan, pero kung may plano siyang ganun, he has to make it formal by putting it in a letter addressed sa PBA board,” wika ni Marcial.
Nitong Miyerkules nang ianunsyo ng team owner ng Blackwater na nais na nitong ibenta ang team sa halagang P150-milyon.
Posibleng nag-udyok sa nasabing pasya ang babala ng PBA at ng Games and Amusement Board na sanction dahil sa umano’y pag-eensayo ng Blackwater.
Wala pa kasing itinatakdang petsa ang liga kung kailan maaaring makapagpraktis na ang mga teams, kahit na nagbigay na ng go signal ang Inter-Agency Task Force.
“I’m still studying the case as well as Mr. Sy’s statements,” ani Marcial.
Giit din ni Marcial, si Sy daw ang dapat na maghanap ng buyer ng franchise, at hindi ang PBA.
“Siya ang maghahanap. Kung meron na siyang kakilala na ready bumili, sila ang mag-uusap,” dagdag nito.