Iniulat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kinansela na ng Department of Foreign Affairs ang passport ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, isa sa mga iniimbestigahan kaugnay flood control project anomaly.
Ayon sa Pangulo, sinabi nitong inatasan na nya ang DFA at PNP na makipag-ugnayan sa mga embahada ng Pilipinas upang matiyak na hindi na magagamit ni Co ang kanseladong pasaporte para umiwas sa mga kaso.
Bahagi rin ng koordinasyon ang agarang pag-report sakaling tangkaing pumasok ni Co sa ibang bansa ng sa gayon agad na maisagawa ang repatriation sa kanya pabalik ng Pilipinas.
Kinumpirma rin ng Pangulo na nananatili sa kustodiya ng NBI si Sara Discaya na iniimbestigahan sa kaparehong kaso, matapos itong sumuko kahapon kahit wala pang lumalabas na warrant of arrest laban sa kanya.
Tiniyak ni Pangulong Marcos na maayos ang takbo ng proseso at haharap sa hustisya ang mga sangkot sa umano’y operasyon at sabwatan sa likod ng mga kuwestyunableng flood control project.
Patuloy pa rin anya ang imbestigasyon at paghahain ng mga kaso upang mapanagot ang mga responsable at mabawi ang pondo ng bayan na pinaniniwalaang nawaldas sa anomalya.
















