-- Advertisements --

Inilipat ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of the Environment and Natural Resources (DENR) ang pamamahala sa Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC).

Batay ito sa Executive Order 90 na nilagdaan ni Pangulong Duterte nitong Agosto 28.

Nakapaloob sa EO na tatayong chairman ng PRRC ang kalihim ng DENR samantalang co-chairman naman ang pinuno ng metro Manila Development Authority.

Mauupong miyembro ng komisyon ang kalihim o pinuno ng DPWH, DBM, DOT, DOTR, DOF, DILG at iba pang mga ahensya ng pamahalaan.

Iniuutos din ng EO 90 ang mahigpit na pag-uugnayan at pagbabantay ng mga ahensyang naatasang mangasiwa sa rehabilitasyon ng Pasig River at iba pang major waterways sa Metro Manila para matiyak na maiwasan ang polusyon.

Pinagagamit naman sa DENR ang lahat ng paraan at available technologies o kagamitan para maibalik sa dati nitong ganda at kalinisan ang Pasig River.