Nanawagan si ML Partylist Rep. Leila De Lima sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) na ilivestream ang kanilang mga pagdinig kaugnay ng mga isyung kinakaharap sa mga proyekto ng imprastruktura.
Giit ni De Lima, hindi ito ang inaasahan ng publiko sa isang “independent” commission.
Aniya, ang pagiging independent ay hindi nangangahulugang itatago sa publiko ang mga imbestigasyon.
“Kaya nga ito binuo para malaman ng publiko ang buong katotohanan. Pero ngayon, hindi man lang nila ilivestream ang mga pagdinig. Para tayong niloloko,” pahayag ni De Lima.
Hiniling din nito sa Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hikayatin ang ICI na siya ring naglikha nito sa ilalim ng Executive Order No. 94 na maging bukas sa publiko ang mga pagdinig.
Ayon sa mambabatas, dapat malinaw at lantad sa publiko ang proseso ng imbestigasyon upang maiwasan ang duda at hinala ng cover-up.
Sa ngayon, suspendido ang imbestigasyon ng House Committee on Public Works and Highways at wala pang nakatakdang pagdinig mula sa Senate Blue Ribbon Committee. Kaya naman, lalong naghihintay ang publiko sa mga update.
Bukod sa panawagan ng transparency, iginiit din ng mga mambabatas ang pangangailangang palakasin pa ang kapangyarihan ng ICI.
Isinusulong nila ang House Bill No. 4453 para dito, ngunit nababahala sila sa mabagal na pag-aksyon ng Kamara at sa kawalan ng “urgent” certification mula sa Pangulo.
















