KALIBO, Aklan – Pinaiimbestigahan na ng Municipal Inter-Agency Task Force ang napaulat na isinagawang party sa isang bar and restaurant na itinuturong dahilan sa pagdami ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa isla ng Boracay.
Ayon kay P/Maj. Don Dicksie de Dios, hepe ng Malay Municipal Police Station na titingnan umano nila kung nagkaroon ng paglabag sa pinaiiral na minimum health standards laban sa coronavirus ang hindi pinangalanang establisimento.
Ipinag-utos aniya ni Malay Mayor Frolibar Bautista na imbestigahan ang pangyayari.
Paalala ni de Dios, dapat mismong ang mga tourism establishments ang nangunguna sa pagpapaalala sa kanilang guests sa pagsunod sa health protocols.
Sakaling mapatunayang may paglabag, mahaharap ang pamunuan ng establisyemento sa RA 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.
Sa kabilang daku, batay sa pinakahuling datos ng Malay Inter-Agency Task Force, wala nang naitalang bagong kumpirmadong kaso ng sakit sa bayan ng Malay at isla ng Boracay na umabot sa kabuuang 154 simula nang pumutok ang pandemya.