-- Advertisements --

Isang disqualification case ang isinampa laban sa Construction Workers Solidarity (CWS) party-list group dahil sa akusasyong pagbili ng boto.

Ang petisyon, na isinampa ni Mataas na Kahoy Vice Mayor Jay Manalo, ay humihiling din ng diskwalipikasyon kay Construction Workers Solidarity (CWS) Rep. Edwin Gardiola.

Ang reklamo ay nag-ugat mula sa Lipa City, Batangas, kung saan ang Construction Workers Solidarity (CWS) ay umano’y nagbigay ng tatlong brand-new na sasakyan sa “Last to take hands off challenge.”

Ayon kay Manalo, ang pamamahagi ng mga kotse ay isang malinaw umano na paglabag sa Omnibus Elections Code (OEC), na nagbabawal sa mga kandidato at partido na magbigay ng pera o mga gamit upang impluwensyahan ang mga botante, na isang anyo ng pagbili aniya ng boto.

Binanggit din ni Manalo na sakop na ng 90-day campaign period ng Omnibus Elections Code (OEC) ang Construction Workers Solidarity (CWS) bilang isang party-list group, kaya’t nagkaroon ng illegal na impluwensya sa mga botante.

Kasama sa reklamo ang pahayag ni Batangas gubernatorial candidate Vilma Santos-Recto, na nagsabi na “tatlong kotse ang ibinigay po ni Congressman..” na nagsilbing karagdagang ebidensya.

Ang Omnibus Elections Code at Republic Act 7166 ay nagtatakda ng limitasyon sa gastos ng mga kandidato at partido, na naglilimita sa P5 bawat rehistradong botante para sa mga independyenteng kandidato at P3 naman kung may partidong sumusuporta.