Nasa mahigit 380,000 na Pinoy sa ibayong dagat umano ang nakaboto na ayon sa Comission on Elections (Comelec).
Ayon kay Comelec Commissioner Marlon Casquejo, katumbas ito ng 23 percent na partial turnout para sa overseas voting.
Kasunod nito sinabi ng commissioner na maganda na raw itong turnout para sa overseas voting dahil mula sa 1,697,130 overseas voters ay nasa 385,437 na ang nakaboto.
Dahil din umano sa naturang trend ay posibleng malagpasan ang voter turnout noong 2016 na 32 percent.
Dagdag ni Casquejo nasa 56,550 daw na botante ang nakaboto na sa America; 139,041sa Asia Pacific; 41,719 sa Europe at 148,127 sa Middle East at Africa.
Malaking bagay daw ang vote anywhere na konsepto ng komisyon kaya marami ang mga bumoto sa ibayong dagat.
Ipinaliwanag nitong sa naturang konsepto ang mga botanteng rehistrado pero nasa ibang lugar ay puwede pa ring bumoto.
Samantala, sa field voting sinabi ni Casquejo na ang consul o embassy staff ay direkta raw na pupunta kung saan nakatira ang mga overseas Filipinos para doon na bumoto.
Nasa kabuuang 2,245 individuals daw ang nag-apply sa vote anywhere ng poll body.
Pero sa naturang bilang ay 1,791 lamang ang naaprubahan ng komisyon at nakaboto na rin.