Nilinaw ni Department of Transporation (DOTr) Undersecretary Raul del Rosario na papayagan pa nilang makalapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at makalabas ng Metro Manila ang mga kababayang papauwi ng Pilipinas.
Kasunod ito ng pagsuspinde ng DOTr sa lahat ng public transport sa Metro Manila at pagdedeklara kagabi ni Pangulong Rodrigo Duterte ng community quarantine sa buong Luzon o “total lockdown” para limitahan ang galaw ng mga tao sa layuning makontrol ang COVID-19.
Sinabi ni Usec. Del Rosario, dapat makarating ang mga nasabing kababayan sa loob ng 72 oras simula kaninang hatinggabi hanggang Biyernes.
Ayon kay Usec. Del Rosario, may pinayagan silang P2P o point-to-point bus sa NAIA na magbibiyahe sa mga uuwing kababayan palabas ng Metro Manila.
Maging ang mga turistang na-stranded at overseas Filipino workers (OFWs) na babalik sa kanilang pinagtatrabahuang bansa sa abroad ay papayagan pa ring makapasok ng Metro Manila sa loob ng 72 oras.
Pero paglagpas umano ng 72 oras, wala ng papayagang papasok ng Metro Manila galing ng abroad at wala na ring domestic flights sa bansa habang umiiral ang quarantine.