-- Advertisements --

Magsisimula na ngayong araw ang papal conclave, kung saan nakatakdang pumili ang mga Catholic cardinal ng susunod na santo papa.

Kabuuang 133 cardinal electors mula sa pitumpong (70) bansa, ang kwalipikadong pipili ng papalit sa namayapang si Pope Francis

Mananatili ang mga cardinal sa loob ng Sistine Chapel at gugugulin ang oras para pagnilayan at piliin kung sino ang susunod na Catholic leader.

Bago tuluyang magsimula ang conclave, magdaraos muna ang mga cardinal ng final general congregation. Bubuksan ang conclave sa pamamagitan ng isang banal na misa na dadaluhan ng lahat ng mga kardinal.

Pagbabawalan ang mga cardinal na magkaroon ng komunikasyon sa labas ng Sistine Chapel habang puputulin na rin ng Vatican ang lahat ng phone signal sa loob ng teritoryo nito simula alas-3 ng hapon (9 PM, oras sa Pilipinas).

Magtutuloy-tuloy ito hanggang sa maihahalal na ang bagong santo papa.

Samantala, dahil sa maraming cardinal, hindi lahat sa kanila ay nabigyan ng sariling room sa Santa Marta guesthouse. Ang iba, ayon sa Vatican, ay pansamantalang mananatili sa Santa Marta Vecchia, isa pang guesthouse na kalimitang ginagamit para sa mga Vatican officials.

Ang room assignment ng mga cardinal ay gagawin sa pamamagitan ng bunutan.