-- Advertisements --

Tinawag ni Vice President Sara Duterte na “fishing expedition” ang mga bagong kasong kriminal na isinampa laban sa kanya kaugnay ng umano’y maling pag-gastos ng P612.5 million confidential funds mula sa Office of the Vice President (OVP) at sa Department of Education (DepEd), na minsang pinamunuan ni Duterte.

Ayon kay Duterte, ang mga nagsampa ng kaso ay nagsusumikap na “weaponize” ang mga akusasyon upang magmukhang may legal na batayan ang imbestigasyon.

Magugunitang kabilang sa mga nagsampa ng kaso ang mga lider ng civic society, mga grupo ng simbahan, at mga anti-corruption advocate.

Inakusahan si VP Duterte ng plunder, bribery, malversation, at graft matapos ang alegasyong pag-divert, maling paggamit, at pagtatago ng mga pondo.

Giit ng pangalawang Pangulo na ang mga bagong kaso ay bahagi ng isang malawak na pamomolitika upang i-discredit siya, at iginiit na ang tunay na layunin lamang ay itago ang mga isyu ng plunder sa gobyerno.

Matatandaan na una nang idineklarang unconstitutional ng Korte Suprema noong Hulyo ang impeachment case laban kay VP Sara dahil sa paglabag sa one-year bar rule.

Kung kaya’t patuloy na ipinaglalaban ng Bise na ang mga kasong ito ay walang basehan at naglalayon lamang na patahimikin siya sa gitna ng mga isyu ng katiwalian sa gobyerno.