Itinanggi ni Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte na ang kanyang two-month, 16-country trip ay isang “world tour,” at iginiit na ito ay para sa opisyal na trabaho at obligasyon sa pamilya.
Sinagot ni Duterte ang mga online posts na nagsasabing naglilibang lang siya abroad, matapos kuwestiyunin ng ilang mambabatas ang lawak ng kanyang itinerary.
Paliwanag niya, dumadaan sa formal review at clearance ng House ang lahat ng kanyang foreign trips, kabilang ang stopovers. Idinagdag niyang personal niyang sasagutin ang lahat ng gastos at magpapatuloy ang kanyang trabaho kahit nasa abroad.
Humingi si Duterte ng travel clearance para sa December 15–February 20 trip na sasaklaw sa 16 bansa, kung saan papayagan siyang dumalo sa sessions nang virtual.
Noong Marso, humiling din siya ng kaparehong clearance para sa personal at work-related trip na kalauna’y lumawak din sa 16 bansa at pinondohan umano gamit ang sariling pera. (report by Bombo Jai)
















