Isinusulong ni Davao city 1st District Rep. Paolo Duterte sa Kamara ang pagsasagawa ng mas malawak pang imbestigasyon sa extrajudicial killings at pag-abuso sa karapatang pantao sa Pilipinas mula noong taong 1999.
Sa inilabas na pahayag ng mambabatas, sinabi nito na kaniyang inihain ang House Resolution No. 1745 kung saan sinabi nito na partikular na nais niyang masaklaw sa naturang imbestigasyon ang 25 taon hanggang sa kasalukuyan.
Kaugnay nito, hinimok ni Duterte ang House commitees na maglunsad ng nationwide investigation, in aid of legislation, at isama ang mga natukoy na areas na sangkot o mayroong kasaysayan ng extrajudicial killings at pang-aabuso sa karapatang pantao.
Sinabi din ni Cong. duterte na base sa US Department of State and Amnesty International, nananatiling isang seryosong problema sa bansa ang extrajudicial killings at karamihan aniya ng mga insidente na may kaugnayan sa iligal na droga ay nag-peak noong 2023 o sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Samantala, para naman sa Makabayan bloc nakikita nila ang panawagan ng kongresista bilang paraan para malihis ang atensiyon sa mga nagawang paglabag sa karapatang pantao sa war on drugs ng ama nito na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nanindigan naman ang grupo sa kanilang panawagan na panagutin si dating Pangulong duterte sa kaniyang madugong drug war kabilang ang dating PNP chief at kasalukuyang Sen. Ronald Dela Rosa.
Umaasa din ang mga ito na magiisyu ang International Criminal Court ng warrant of arrest laban sa mga sangkot na personalidad at nanawagan ng hustisiya para sa mga biktima ng drug war.