-- Advertisements --

Inamin ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF) na kasalukuyan silang nahaharap sa mga pagsubok at hindi pa nila natutunton ang kinaroroonan ni Cassandra Li Ong.

Sa isang pahayag , ibinunyag ni PAOCTF Spokesperson Dr. Winston John Casio na aktibo silang nakikipag-ugnayan at humihingi ng tulong sa iba pang mga ahensya ng pagpapatupad ng batas sa Pilipinas.

Kabilang na ang Philippine National Police (PNP) at ang National Bureau of Investigation (NBI), upang mapabilis at maging mas epektibo ang kanilang operasyon sa paghahanap kay Ong.

Base sa mga huling impormasyon na nakalap at natanggap ng PAOCTF, pinaniniwalaan na si Ong ay nasa bansang Japan pa noong buwan ng Marso ng taong 2025.
Binigyang-diin ni Casio ang kahalagahan ng pagsasagawa ng isang masusing backtracking at pagsusuri sa mga nakaraang aktibidad at lokasyon ni Ong upang matukoy at malaman ang kanyang kasalukuyang kinaroroonan.

Dagdag pa rito, sinabi ni Casio na kasama rin sa kanilang prayoridad na hanapin at imbestigahan si dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque.

Ayon sa kanya, matibay at sapat ang kanilang hawak na ebidensya laban kay Atty. Roque, kaya’t itinuturing nilang malabo at hindi katanggap-tanggap ang argumento nito na siya ay isang biktima ng political persecution.