Naghain ng reklamo si Atty. Ferdinand Topacio laban kina Justice Secretary Jesus Crispin Remulla at National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago sa Office of the Ombudsman.
Ito ay may kaugnayan sa umano’y iligal na pag-aresto at hindi makatarungang pagkulong kina Sheila Guo at Cassandra Li Ong noong Agosto 2024.
Batay sa 20 pahinang reklamo, sina Remulla, Santiago at ilan pang hindi pa natutukoy na mga indibidwal (John at Jane Does) ay lumabag sa batas dahil sa arbitrary detention at sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Ayon kay Atty. Topacio, ang mga inaresto ay walang nakuhang warrant of arrest mula sa korte.
Giit ng abogado na walang dala-dalang warrant of arrest ang mga ahente ng NBI, gaya ng itinatakda ng batas at wala ring kondisyon upang magsagawa ng warrantless arrest, gaya ng pagkakahuli sa akto mismo ng krimen (in flagrante delicto) o kung may hot pursuit laban sa akusado.
Matatandaan na sina Guo at Ong ay naharang ng mga awtoridad habang papalabas ng Batam, Indonesia sa kasagsagan ng imbestigasyon sa mga iligal na aktibidad ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO). Agad silang dinala pabalik ng Pilipinas matapos silang maharang ng mga awtoridad sa naturang bansa.
Subalit ayon kay Topacio, ang naging batayan lamang ng kanilang pagkakaaresto ay ang contempt orders na inilabas ng Senado at House of Representatives.
Dagdag pa niya, kahit malinaw umano ang mga paglabag sa proseso at legalidad ng pag-aresto at detensyon, itinuloy pa rin ni Dir. Santiago ang utos dahil umano sa direktiba ni Sec. Remulla.
Nang tanungin kung bakit ngayon lamang siya naghain ng reklamo, iginiit ni Topacio na ito ay “non-issue.” Hindi pa nagpaso ang kaso at maaari pa itong maging paksa ng lehitimong reklamo.
Si Cassie Ong naman na kinikilalang awtorisadong kinatawan ng ni-raid na POGO hub sa Porac, Pampanga ay nahaharap sa kasong disobedience to summons na ipinalabas ng Kamara, gayundin sa obstruction of justice dahil sa umano’y pagtatago at pagtulong sa pagtakas ng isang akusado.
Bukod dito, sinampahan din siya at iba pa ng kasong qualified human trafficking noong Abril ng kasalukuyang taon.