-- Advertisements --

Nagpadala ang Public Attorney’s Office (PAO) ng walong abogado upang tumulong sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa imbestigasyon ng anomalya sa mga flood control project.

Ayon kay PAO Chief Persida Rueda-Acosta, tugon ito sa panawagan ni ICI Chairman Andres Reyes Jr., bilang suporta sa layuning palakasin ang transparency at accountability sa mga proyekto ng imprastraktura.

Papangunahan ni Atty. Nazario Bancoro Jr. ang grupo, na magsisimula sa Oktubre 14 at magtatrabaho sa ICI tuwing Martes hanggang Biyernes sa loob ng anim na buwan, habang tuwing Lunes ay magre-report sila sa PAO Central Office para sa kanilang mga kasong hinahawakan.

Ayon kay Deputy Chief Public Attorney Ana Lisa Soriano, limitado ang bilang ng mga ipinadalang abogado dahil sa kakulangan ng tauhan at budget, ngunit tiniyak niyang patuloy ang buong suporta ng PAO sa komisyon.

Sa isang liham, sinabi ni Chairman Reyes na mahalaga ang kaalaman at karanasan ng mga abogado ng PAO sa mabilis at maayos na pag-usad ng imbestigasyon.