KALIBO, Aklan—Itinuturing ng Kabataan Partylist na panggulo lamang ang naging hamon ni Senador Alan Peter Cayetano sa lahat ng kasalukuyang opisyal ng pamahalaan mula sa Kongreso hanggang sa Malacañang na sabay magbitiw sa puwesto at magsagawa ng snap election upang magtakda ng panibagong mga lider.
Sa eksklusibong panayam kay congresswoman Atty. Renee Co, hindi aniya snap election ang kailangang suhestyon dahil hindi naman nito mareresolba ang ugat ng kahirapan ng mga mamamayang Pilipino.
Aniya, kailangan sa ngayon ang pagbabago sa bulok na sistema ng pamahalaan, makulong ang mga tiwaling opisyales ng gobyerno at pakinggan ang hinaing ng publiko.
Dagdag pa ni Atty. Co, maibalik lamang aniya ang tiwala ng mga mamamayan sa mga lider ng bansa kung matugunan ang mga kinakaharap na suliranin at mapanagot ang mga sangkot sa malawakang korapsyon na nagpapahirap sa bansa.
Matatandaan na iginiit ni Cayetano na ang pagsasagawa ng snap election ang talagang paraan upang muling ibalik ang tiwala ng mga mamamayan sa mga political institutions ng bansa.
Ngunit, ayon sa Commission on Elections o Comelec na nangangailangan ng isang batas bago maganap ang sinasabing snap election.