Reading Time: 1 minute

Suportado ni Communications Sec. Martin Andanar sa inihaing panukalang batas na magbibigay ng mas mataas na sahod sa mga mamamahayag.

Ito ay ang House Bill 2476 o Media Workers Welfare Act na inihain ni ACT-CIS Partylist Rep. Niña Taduran na magtatakda ng buwanang suweldo ng mga nasa media industry mula P20,000 hanggang P60,000.

Sinabi ni Sec. Andanar, tama lang na mabigyang pansin ang kalagayan ng mga nasa larangan ng pamamahayag lalo’t itinuturing itong ika-apat na estado sa lipunan.

Ayon kay Sec. Andanar, kung ang mga nasa national government at ibang mga nasa pamahalaan gaya ng mga mambabatas ay may maayos na tinatanggap na pasahod, panahon na para mabigyan na rin ng magandang salary matrix ang mga nasa media.

Sa ilalim ng naturang panukalang batas, kung may tatlong taong karanasan na ang isang reporter sa pamamahayag ay tatanggap ito ng P40,000 kada buwan.

Habang ang may limang taong karanasan ay P45,000; at ang may anim na taong karanasan sa media ay tatanggap ng P45,000 kada buwan.

Samantala, P50,000 naman para sa mga may walong taon na sa media; at P60,000 para sa mga may 10 taon ng nasa larangan ng pamamahayag.

“Kasi alam mo sabi nila, fourth estate ang media, ‘di ba? Mayroong first estate, second estate, third estate: Nandiyan ‘yung national government, nandiyan ‘yung mga kaparian, nandiyan ‘yung ating mga congressman, mga senador – maayos ‘yung kanilang ano eh… salary matrix,” ani Sec. Andanar.