-- Advertisements --

Isinusulong ng isang mambabatas ang panukalang batas na nagmamandato sa bagong doktor at nurse na Pilipino na magtrabaho sa bansa sa loob ng isang taon bago makapagtrabaho sa abroad.

Ayon sa may akda ng House Bill No. 6232, o kilala bilang Mandatory Medical Service Bill na si Malasakit and Bayahanihan party-list Rep. Anthony Rolando Golez Jr. , layunin nito na matugunan ang kakapusan ng healthcare workers sa ating bansa.

Paliwanag ng mambabatas na ang kakulangan ng healthcare workers sa bansa ay maituturing na national security concern dahil sa banta ng mga laganap at bagong strain ng virus na maaaring tumama sa ating bansa at mangangailangan ng maraming doktor ang ating bansa.

Kayat magkakaroon aniya ng regular supply ng mga nurse at doctor sa loob ng isang taon sa oras na maisabatas ang nasabing panukalang batas.

Una rito, noong nakalipas na taon, ibinunyag ng Department of Health (DOH) na nagkukulang ang ating bansa ng nasa 106,000 nurses na lumobo pa sa 350,000.

Ito ay sa gitna ng patuloy na migration o pangingibang bansa ng mga healthcare workers kung saan ayon kay Department of Health (DOH) officer-in-charge Ma. Rosario Vergeire na mas mababa sa kalahati na ng mga Pilipinong nurse na nagpasyang manatili at magtrabaho dito sa Pilipinas.

Dito kasi sa bansa, ang sinasahod ng mga nurse sa mga pribadong ospital ay nasa P9,000 hanggang P15,000 ayon sa Philippine Nurse Association habang ang entry-level nurses naman sa public hospitals ay mayroong buwanag sinasahod na P33,000.