Nilinaw ng Land Transportation Office (LTO) ang tungkol sa online payment gateway nito.
Ayon sa LTO, ang kanilang kasunduan sa Paynamics/Goldgate Joint Venture, ang nag-iisang payment gateway provider, ay magtatapos sa October 27, 2025.
Gayunpaman, patuloy pa rin ang operasyon ng sistema upang walang abala sa online services habang tinatanggap ng LTO ang mga aplikasyon ng mga bagong payment gateway providers.
Tiniyak din ng LTO na bukas sila sa kompetisyon at sumusunod sa mga alituntunin ng pamahalaan sa pagpili ng mga payment service provider.
Sinabi ng LTO na maaaring mag-apply ang sinumang kumpanya na kayang sumunod sa mga teknikal at pinansyal na rekisito para maging LTO payment gateway provider.
Sa ganitong paraan, masisiguro ang patas na kompetisyon, transparency, at mas maayos na serbisyo sa publiko.
Layunin din ng LTO na magkaroon ng higit sa isang payment gateway para may pagpipilian ang mga motorista.
















