Matapos maipagpaliban ng ilang beses, itinuloy na rin ng Supreme Court (SC) ang oral argument kaugnay ng mga petisyong kumukuwestiyon sa constitutionality ng anti-terror law pero idinaan na lamang ito sa virtual oral argument.

Kung maalala, isang buwan din itong sinuspindi dahil sa mga concerns sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa kataas-taasang hukuman.

Ito ang kauna-unahang oral argument na dinaluhan ng bagong chief justice na si Alexander Gesmundo na na-appoint lamang noong Abril 5 ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa naturang oral argument, ang panig naman ng pamahalaan ang nagbigay ng kanilang depensa laban sa 37 petitions na nakabinbin pa sa Korte Suprema.

Sa opening statement pa lamang ni Solicitor General Jose Calida, sinabi nitong ang mga petisyon ay “frivolous” o katawa-tawa kaya kailangan daw ang outright dismissal.

Kabilang sa mga basehan ni Calida ang ginamit ng mga petitioners na dalawang Aeta sa Zambales at iba pang mga kaso sa Negros na idinirekta sa Korte Suprema dahil umano sa pansariling interest ng mga petitioners.

Kinuwestiyon din ni Calida ang Petitions na wala namang justiciable controversy o conflict sa legal rights.

Iginiit din ni Calida ang kahulugan ng terrorism ay hindi naman malabo o malawak.

Aniya, ang Anti-Terrorism Act ay hindi rin lumalabag sa karapatan para sa speedy trial o speedy disposition ng mga kaso.