BUTUAN CITY – Tina-transport na patungo sa Lungsod ng Butuan upang ipresenta kay Police Regional Office-13 director Police Brigadier General Gilberto “DC” Cruz ang 16 na namang iba pang bloke ng floating cocaine.

Ito’y matapos itong matagpuan ng isang mangingisda bandang alas-5:00 ng hapon kahapon.

Ayon kay Police Col. Francisco Dungo, provincial director ng Surigao del Sur Police Provincial Office sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, natagpuan ni Jolan Basadre Pocot, 25-anyos, may asawa, ang nasabing floating cocaine sa baybayin ng kanilang lugar sa Purok 2, Barangay Handamayan sa bayan ng Lingig ng naturang lalawigan, na nakabalot ng kulay itim na packaging tape.

Dagdag pa ng opisyal, kahit pare-pareho ito sa mga una nang natagpuang kulay itim na floating cocaine sa ibang bahagi ng rehiyon, susuriin pa rin ito ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Caraga at saka isusumite kay RD Cruz para sa tamang disposisyon.

Napag-alamang dahil sa sobrang layo ng lugar, sinundo pa ito ng kanyang mga tauhan gamit ang bangka at upang madala rin ang mangingisdang nakakita nito upang mabigyan naman ng kaukulang award ni General Cruz.