Tiniyak ng Palasyo ng Malakanyang na hindi magpapadikta o magpapahawak sa leeg si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa anumang panawagan na mali at taliwas sa batas.
Ito’y kasunod ng mga pahayag ng ilang kaalyado at tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na kung sinsero ang Pangulong Marcos sa rekunsilyasyon dapat ibalik sa bansa ang dating Pangulo.
Inihayag kasi ng Pangulong Marcos sa isang podcast interview na nakahanda siya makipag-ayos sa mga Duterte.
Binigyang-diin naman ni Palace Press Officer USec. Claire Castro na hindi magpapahawak sa leeg si Pangulong Marcos at hindi rin daw nito tatalikuran at babaligtarin ang batas para lamang pagsilbihan ang personal na interes ng iilan.
Nanindigan pa si Castro na ang pakikipag ayos ay dapat walang kondisyon.
Nilinaw din ni Castro na hindi lamang sa mga Duterte ang sinasabing rekunsilyasyon ni Pangulong Marcos kundi para sa lahat.
Nais ng Pangulo na lahat ng tao ay magkakasundo para tuloy-tuloy ang pagtatrabaho para sa kapakanan ng bansa.
Binigyang-diin ni Castro na mas pipiliin ng Pangulong Marcos ang batas kesa sa kaibigan.