-- Advertisements --

Nangako si Pangulong Rodrigo Duterte na itutuloy daw ang kampanya laban sa iligal na droga kahit napipinto na ang kanyang pagbaba sa puwesto sa Hunyo 30.

Sinabi ito ng Pangulong Duterte sa commissioning ng Barko ng Pangulo ng Pilipinas Melchora Aquino, ang Multi-Role Response Vessel 9702 ng Philippine Coast Guard.

Isinagawa ito sa South Harbor sa Manila.

Gayunman, hindi pa raw alam ng pangulo kung paano ito isasagawa.

“I will continue to operate. Bahala na kung papano, basta I will continue to operate against illegal drugs. Ngayon ‘yung gusto pumasok, I’m warning you, buhay, buhay lang tayo,” ani Duterte.

Hindi raw nito hahayaang masira ng iligal na droga ang susunod na henerasyon lalo na ang mga kabataan.

Dagdag ng Pangulo, balewala lamang daw ang mga kritisismong ibinabato sa kanya kaugnay ng umano’y extrajudicial killings sa ilalim ng kanyang administrasyon.

“I will assume full legal responsibility. Akin yan. Akin lang yan. Sinasalo ko lahat. Basta ikaw magtrabaho ka diyan, drug or something,” dagdag ni Duterte.

Kasabay nito, hinimok din niya ang mga law enforcers na huwag matakot sa International Criminal Court (ICC).

Kung maalala, inihinto ng ICC ang kanilang imbestigasyon sa umano’y extrajudicial killings sa bansa noong November 2021.

Nag-ugat ito sa reklamo ng pamilya ng mga biktima ng kampanya ng pamahalaan laban pa rin sa iligal na droga na namatay sa kasagsagan ng mga isinagawang operasyon ng PNP.

Base sa datos ng pamahalaan, nasa 6,000 drug suspects na ang namatay sa police anti-drug operations mula nang umupo si Pangulong Duterte noong June 30, 2016.