-- Advertisements --

Hinimok ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan si Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na “maging maingat” bago pagkalooban ng proteksyon bilang state witness ang mga sangkot sa kontrobersya ng korapsyon sa flood control projects.

Hiniling ng senador kay Remulla na ilagay sa rekord na kapag tinanggap na bilang state witness ang isang tao, awtomatikong may immunity ito laban sa kasong kriminal at sibil, kabilang na ang hindi na obligadong ibalik ang nakaw na pondo.

Matapos kumpirmahin ni Remulla ang nasabing punto, binigyang-diin ni Pangilinan ang pangangailangang maging mas mapanuri sa pagtanggap ng mga aplikante bilang state witness.

Sa kasalukuyan, ang mga kontratista na sina Curlee at Sarah Discaya at dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), dating undersecretary Roberto Bernardo at mga dating district engineer ng Bulacan na sina Henry Alcantara, Brice Hernandez, at Jaypee Mendoza, ay itinuturing na “protected witnesses” ng DOJ.

Sila ay nag-apply upang maging state witness at mapasailalim sa witness protection program matapos magbigay ng mga pahayag na nagdawit sa ilang matataas na opisyal ng gobyerno sa multi-bilyong pisong anomalya sa flood control projects.

Nagpahayag ng pangamba si Pangilinan na maaaring hindi na mabawi ng estado ang nakaw na pondo sakaling tanggapin na bilang state witness ang mga nasabing indibidwal.

Nauna nang ipinaliwanag ng senador na ang mga testigo, tulad ni Hernandez na kusang isinuko ang mga luxury vehicle, ay maaaring boluntaryong isauli ang mga nakaw na yaman bilang pagpapakita ng mabuting loob at pakikipagtulungan.