Inanunsyo ng Liberal Party (LP) na tatanggalin sa partido ang sinumang miyembro na mapatutunayang sangkot sa korapsyon.
“Maglilinis tayo ng ating hanay. Patatalsikin natin ang sinumang miyembro — gaano man kataas ang katungkulan o kalakas — na matuklasang nakinabang sa pandarambong o lumahok sa katiwalian,” pahayag ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa pagtitipon na pinamagatang “Kung Walang Korap, Walang Mahirap: A Fellowship on Integrity, Accountability, and the Continuing Fight for Good Governance.”
Ayon kay Pangilinan, dapat magsimula ang paglilinis sa pamamagitan ng transparency.
“Higit pa riyan: Lahat ng opisyal ng Liberal Party, mula sa pinakamataas hanggang sa pinakamababa, ay ilalabas sa publiko ang kanilang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN),” aniya.
Bilang patunay ng kanilang paninindigan, kusang isinapubliko nina Pangilinan at Representative Leila De Lima ng Mamamayang Liberal (ML) Partylist ang kanilang SALN sa naturang pagtitipon — isang hakbang na layong itaguyod ang pananagutan at hikayatin ang iba pang opisyal ng pamahalaan na tularan ito.
Binigyang-diin naman ni De Lima na iisa ang mga pinanghahawakang prinsipyo ng mga liberal democrats sa buong mundo — karapatang pantao, pananagutan, at mabuting pamamahala.
















