Mariing itinanggi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na may kinalaman siya o naging kamay sa napipintong paglaya mula sa kulungan ni dating Calauan Mayor Antonio Sanchez na nahatulan ng pitong bilang ng reclusion perpetua.
Sinabi ni Sec. Panelo, 27 taon na ang nakararaan nang bitawan niya ang pagiging isa sa mga abogado ni Sachez.
Ayon kay Sec. Panelo, matapos ang conviction ni Sanchez ay kinailangan na rin kasi niyang bumiyahe abroad.Matagal na rin umano nang huli silang nagkausap ni Sanchez na nangyari mga isa o dalawang beses lamang 20 taon na ang nakararaan.
Nauna nang kinumpirma ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Nicanor Faeldon na posibleng sa susunod na dalawang buwan ay tuluyan nang makalaya si Sanchez.
Inihayag ni Faeldon na maaring makasama si Sanchez sa 11,000 person deprived of liberty o PDL na mapapalaya ng Bucor.
Sinabi naman ni Justice Sec. Menardo Guevarra na maaring makalaya si Sanchez dahil sa bagong batas o ang Good Conduct Time Allowance at ang desisyon ng Supreme Court (SC) na nagpapahintulot na ipatupad ang batas na ito retroactive.
Ayon kay Guevarra, nagkakaroon na ng pag-recompute ang BuCor sa naging Good conduct time allowance ni Sanchez.
Magugunitang 1995 nang mahatulan si Sanchez ng pitong counts ng reclusion perpetua o 40 taong pagkakakulong dahil sa pagpatay sa mg UP-Los Baños students na sina Eileen Sarmenta at Allan Gomez noong June 1993 kung saan nadiskubreng ginahasa rin si Sarmenta.