-- Advertisements --
doj GUEVARRA
doj GUEVARRA

Tiniyak ng Department of Justice (DoJ) na hindi magiging hadlang sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pagkamatay ng siyam na high profile inmates ano man ang desisyon ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag sa mga panawagang lumiban muna ito sa trabaho.

Kasunod na rin ito ng kontrobersiyal na pagkamatay ng siyam na high profile inmates dahil sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Kabilang na si Jaybee Sebastian na tumestigo noon laban kay Sen. Leila de Lima sa isyu ng paglaganap ng droga sa NBP noong justice secretary pa ang senadora.

Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, supervision lamang daw ang papel ng DoJ sa BuCor base na rin sa batas at wala silang kapangyarihang i-control ito.

At dahil ang Pangulong Rodrigo Duterte raw ang nagtalaga sa BuCor chief ay ang pangulo na rin umano ang bahala sa kahihinatnan ng pagiging Director General ni Bantag sa New Bilibid Prison (NBP).

Pero nasa discretion pa rin umano ni Bantag kung makikinig ito sa mga panawagang lumiban muna sa trabaho kasunod na rin ng mga lumutang na kontrobersiya sa pagkamatay ng mga high profile inmates.

Nag-ugat ang isyu sa pagkamatay ng siyam na high profile inmate na hindi naisapubliko kaagad ang mga pangalan.

Sa panayam naman ng Bombo Radyo Philippines kay DoJ Usec. at Spokesman Markk Perete sinabi nitong ang ipinunto raw sa kanila ni Bantag ay kailangan muna ng pamunuan ng BuCor na ipaalam sa pamilya ng namatayan ang nangyari bago nila ilabas ang mga pangalan ng mga namatay dahil sa coronavirus.