Hindi pa rin tiyak kung mananatili sa Pilipinas ang Navy-Marine Expeditionary Ship Interdiction System (NMESIS), kasunod ng matagumpay na simulated fire mission sa Batanes sa ilaim ng Balikatan Exercises.
Maalalang ginamit ang tinaguriang ‘ship-killer missile ng US sa naturang exercise, sa pangunguna ng 3rd Marine Littoral Regiment ng US Marine Corps.
Nang matanong si Balikatan assistant exercise director BGen. Michael Logico ukol sa posibilidad ng pananatili ng naturang missile system sa Pilipinas, sinabi nitong wala pang impormasyon kung ano ang susunod na gagawin dito, pagkatapos ng 2025 Balikatan Exercises.
Ang tanging malinaw ngayon aniya ay naging matagumpay ang ang deployment ng naturang missile system para sa simulated fire mission sa ilalim ng kasalukuyang joint drill.
Naging matagumpay din aniya ang drill, gamit ang NMESIS at natutunan ng mga Pilipinong sundalo ang paggamit nito, sa tulong ng US forces.
Una nang sinabi ni U.S. Marine Corps at U.S. Joint Task Force commander Lt. Gen. Michael Cederholm na ang paggamit sa naturang missile system sa probinsya ng Batanes ay upang matukoy kung gaano ito ka-epektibo, lalo na sa paggamit ng ‘precision fires capabilities’ nito.
Ginawa ang simulated exercises sa kalagitnaan ng gabi sa isang hindi na tinukoy na lugar sa bayan ng Basco.
Ayon sa 3-Star US general, isang mahalagang hakbang ang paggamit sa naturang missile system tungo sa magsasa-moderno sa military capability ng Pilipinas lalo na sa paghahangad ng bansa ma-protektahan ang maritime territory at mapangalagaan ang ang mutual interest ng Pilipinas at US sa Indo-Pacific Region.
Maalalang noong 2024 Balikatan Exercises ay ginamit din ang kontrobersyal Mid-Range Capability (MRC) Missile System na mas kilala sa tawag na Typhon.
Matapos ang joint military drill, nanatili na ito sa Pilipinas, bagay na tinutulan at tuloy-tuloy na binabatikos ng Russia at China.
Ang Typhon ay may kakayahang makapagpalipad ng missile at abutin ang hanggang 1,000 miles habang ang NMESIS ay may range na hanggang 115 miles.