
Pinaiimbestigahan na ni PNP region 3 regional police director BGen. Val De Leon ang insidenteng pananambang sa isang pulis ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay Cristo Rey, Capas, Tarlac kaninang umaga.
Batay sa report ng Tarlac Police, naganap ang panahambang kaninang alas-6:40 ng umaga.
Nagmamaneho lang umano ng sasakyan si PSsg. Mike Maun nang dikitan ng itim na Toyota Sedan na may plakang ZEW 568.
Bumaba ang dalawang lalaki mula sa Sedan at pinaulanan ng bala ang sasakyan ni Maun.
Matapos nito ay agad nang tumakas ang mga suspek sa direksyon na papuntang Concepcion, Tarlac.

Naisugod pa sa ospital ang pulis pero idineklara itong dead on arrival.
Ayon kay De Leon gumugulong na ang imbestigasyon para mabatid ang motibo sa pananambang na ikinasawi ng biktimang pulis.
Si PSsg Michael Maun ay naka-assigned sa PNP Aviation group na naka base sa Clark Pampanga at residente ng Brgy Cristo Rey.
Narekober naman ang ginamit na sasakyan ng mga suspek na inabandona sa Sitio Baloy, Brgy Arangonen, Capas.
Batay sa isinagawang verification sa LTO, ang nasabing plaka ay isang extreme black VIOS 1.56 A/T.
Siniguro naman ni De Leon na gagawin nila ang lahat para maaresto ang mga suspeks.
Hinimok naman ng heneral ang publiko na makipagtulungan sa PNP para mapanatili ang peace and order, safety and security sa mga komunidad.
















