-- Advertisements --

Inaabisuhan ng Comelec ang mga kandidato na iwasang magpalinlang sa mga sumusulpot na grupong nagpapakilala na kaya nilang manipulahin ang resulta ng eleksyon, kapalit ng malaking halaga ng salapi.

Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, walang mapapala ang mga politikong papatol sa ipinapangako ng mga ganitong scammer.

Giit nito, hindi umano sila naniniwalang mamamanipula ang resulta ng halalan sa pamamagitan lamang ng pakiki-alam sa bilang, dahil hindi pa ito napapatunayan kahit ilang grupo na ang nagtangkang gawin ang umano’y manipulasyon.

Aniya, may security features ang resulta ng eleksyon, kung saan maliban sa election returns, may scanned copy rin ang bawat balota at iba pang dokumento, para makita kung tugma ang inilalabas nilang data sa pinal na bilangan.

Para kay Jimenez, maaaring magsabi ng kani-kanilang paniniwala ang bawat tao, ngunit nananatili ang election integrity sa Pilipinas.

“This is not possible. Mula noong 2010 may mga nagsasabi na ng ganyan, pero wala naman silang napatunayan,” wika ni Jimenez.