Suportado ng batikang constitutional litigator na si Atty. Ernesto Francisco, Jr. ang petitioner sa makasaysayang kasong Francisco v. House of Representatives para sa 13–0 na desisyon ng Korte Suprema na nagpapahinto sa impeachment trial sa Senado laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Francisco, ang desisyon sa kasong Duterte v. House of Representatives (G.R. No. 278353) ay matibay sa batas at alinsunod sa naunang desisyon ng Korte Suprema.
“Walang anumang pagsalungat sa pagitan ng dalawang desisyon. Tumugon lamang ang Korte Suprema sa isang bagong sitwasyong hayagang lumalabag sa Konstitusyon at hindi kumikilala sa desisyong Francisco,” pahayag ni Francisco.
Tinukoy ng abogado ang tinatawag niyang “sinasadyang pag-iwas” sa itinakdang isang taong palugit sa pagsisimula ng mga impeachment proceeding. Aniya, tatlong naunang reklamo na inihain ng mga ordinaryong mamamayan noong Disyembre 2024 ang hindi inaksyunan ng Kamara, at sa halip ay hinintay pa ang huling araw ng sesyon noong Pebrero 2025 upang pormal na ihain ang ika-apat na reklamo na suportado ng mahigit isang-katlo ng mga miyembro ng Mababang Kapulungan.
Giit ni Francisco, bukod sa nilabag nito ang karapatan ng mga orihinal na nagreklamo, winasak rin nito ang due process at ipinagkanulo ang tiwala ng publiko.
“Ang liderato ng Kamara, kabilang ang Secretary General at ang Speaker, ay kumilos nang may masamang layunin. Ito ay malinaw na malubhang pag-abuso sa kapangyarihan at ayon sa ating Konstitusyon, may kapangyarihan at tungkulin ang Korte Suprema na iwasto ang ganitong mga paglabag,” dagdag pa niya.
Sinabi rin ni Francisco na hindi maaaring umiral sa kasong ito ang doctrine of operative fact, na maaaring nagbigay ng proteksyon sa Kamara kung kumilos ito nang may mabuting layunin.
Ang hayagang suporta ni Francisco sa desisyon ng Korte Suprema ay kasabay ng umiinit na talakayan sa hanay ng mga legal na eksperto at tagamasid ng pulitika tungkol sa saklaw ng kapangyarihan ng hudikatura sa mga impeachment proceeding na tradisyunal na itinuturing na eksklusibong nasasakupan ng Senado.
“Hindi ito krisis sa konstitusyon. Isa itong pagwawasto ng konstitusyon,” pagtatapos ni Francisco.