-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Pinapaalalahanan muli ng City Health Services Office ang lahat ng mga panaderya sa lungsod ng Baguio ukol sa pagsunod ng mga ito ng tamang kalinisan ng kanilang mga produktong tinapay.

Una rito, nagtungo dito sa himpilan ng Bombo Radyo ang isang residente ng Baguio para ireklamo ang isang panaderya sa Kayang Street matapos makita ang isang ipis na parang naging palaman ng isa sa mga nabili niyang pandesal.

Aniya, bumili siya ng 20 piraso ng pandesal, hapon ng Miyerkules at habang kinakain niya ito ay dito na niya nakita ang ipis sa loob ng tinapay.

Dahil dito, hindi na niya ipinagpatuloy ang pagkain sa pandesal at hindi na niya pinayagang kainin pa ng kanyang pamilya ang natitirang pandesal.

Wala aniya siyang balak papalitan ang kanyang nabiling pandesal ngunit hiling niyang sumunod ang panaderya sa malinis na paggawa ng pandesal.

Ipinasigurado naman ng bakery management ang pag-imbestiga nila sa nasabing reklamo at babalikatin nila ang responsibilidad.

Sinabi nila na linggo-linggo silang nagsasagawa ng pest control bilang Standard Operating Procedure para maiwasan ang pest infestation sa kanilang production area.

Samantala, ipinaalala ni Engineer Charles Carame, Sanitation Division chief ng City Health Services Office na pwedeng mapawalang bisa ang permit ng mga negosyong nagbebenta ng mga pagkaing delikado sa kalusugan ng mga bibili.