Balik na sa aksyon si Boston Celtics star Jayson Tatum matapos ang matagumpay na rehabilitasyon mula sa kaniyang Achilles injury.
Batay sa naunang anunsyo ng Celtics management, magiging bahagi na muli ng lineup si Tatum sa laban ng Boston kontra Dallas Mavericks ngayong weekend.
Ito ang unang laro ng one-time NBA champion matapos ang halos isang taong pamamahinga mula nang huli siyang naglaro sa hardcourt.
Ayon kay Celtics head coach Joe Mazzulla, bagaman hindi pa ibababad ang batikang forward sa mga laro ng Boston, inaasahang magiging malaking bentahe pa rin siya para sa koponan dahil sa kaniyang all-around performance.
Ibinahagi rin ni Mazzulla na nakausap na niya si Tatum bago ang pagbabalik nito sa court, at nagpahayag ang manlalaro ng kumpiyansa na muling bumalik ang kaniyang sigla sa paglalaro.
Ngayong linggo ay ipinagdiwang ni Tatum ang kaniyang ika-28 kaarawan.
Matatandaang nagtamo siya ng injury noong Game 4 ng NBA Eastern Conference semifinal, kung saan natalo rin ang Boston Celtics sa New York Knicks.
Sa kasalukuyan, hawak ng Boston ang 41-21 win-loss record.
















