-- Advertisements --

NAGA CITY – Nagpaabot ng pasasalamat ang pamilya Villafuerte sa mga taong nagpaabot ng pakikiramay sa kanilang pamilya maging sa pagsasagawa ng tribute ng mga empleyedo ng kapitolyo para sa namayapang dating kongresista at dating gobernador na si Luis R. Villafuerte, Sr.

Kung maaalala, binawian ng buhay ang kinokonsiderang kingpin ng politika sa nasabing lalawigan, madaling araw ng Setyembre 8, sa St. Luke’s Medical Center.

Sa post ni Camarines Sur 2nd District Congressman L-Ray Villafuerte, sinabi nito na labis-labis ang kanilang pasasalamat sa mga taong nagpaabot ng pakikiramay sa kanilang pamilya dahil sa pagpanaw ng kanyang ama.

Aniya, gusto man umano nilang iuwi ang bangkay nito sa lalawigan ngunit mas minarapat na lamang ng kanilang pamilya na ilibing ito sa Manila Memorial Park sa Sucat, Paranaque noong Setyembre 11, 2021, dahil pa rin sa COVID-19 health and safety protocols.

Ito ay dahil na rin umano sa posibleng pagdagsa ng mga tao na nais na makita ang dating opisyal bago ito dalhin sa huli nitong hantungan.

-- Advertisement --

Samantala, nagsagawa naman ng tribute para sa matandang Villafuerte ang mga empleyado ng pamahalaang panlalawigan ng Camarines Sur sa pamamagitan ng pagsasagawa ng pananalangin para sa dating kongresista.

Dumalo rin sa nasabing tribute si Vice Governor Imelda Papin, na nagpaabot naman ng kanyang pagsaludo at pasasalamat kay LRV.

Kung maaalala, bago naging kongresista nagsilbi si LRV ng halos 8 taon bilang assemblyman, 16 taon man itong nanungkulan bilang gobernador ng lalawigan, at nanilbihan naman ito sa loob ng tatlong termino bilang 2nd district representative ng lalawigan ng Camarines Sur simula 2004 hanggang 2013.