NAGA CITY – Umaapela ngayon ng tulong ang pamilya ng overseas Filipino worker (OFW) sa Saudi Arabia na agad na maibalik sa Pilipinas matapos makalabas sa ospital.

Ang OFW na si Ritchel Avila ay una nang na-confine sa ospital sa naturang bansa dahil sa pananakit ng amo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Reggie Avila, asawa ni Ritchel, sinabi nitong una na aniyang nakiusap ang asawa niya sa amo na magpapagamot dahil sa iniindang karamdaman.

Ngunit sa halip na tulungan, doon na aniya nagsimulang pahirapan sa trabaho at pinagbubugbog ang biktima.

Dalawang beses din aniyang sinubukang tumakas ni Ritchel ngunit nahuli ng mga pamangkin ng amo kung kaya muling binugbog at dinala sa disyerto at doon iniwan.

Hanggang sa nakita aniya ng pulis at dinala sa ospital.

Nabatid na walong buwan pa lamang na nagtatrabaho ang nasabing OFW sa naturang bansa.