KORONADAL CITY – Naghahanda na ngayon ang pamilya ng nasawing OFW na si Jeanelyn Villavende para sa repatriation ng kanyang bangkay pauwi dito sa Pilipinas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal sa tiya nitong si Nelly Padernal, inabisuhan sila ni OWWA Administrator Hans Cacdac kasabay sa pagpunta nito sa kanila sa Brgy. Tinago, Norala, South Cotabato na maghintay lamang sa General Santos City airport dahil sila na ang bahalang umasikaso sa pagpapauwi sa bangkay ni Villavende.

Bagamat wala pang petsang inihayag ang naturang opisyal kung kailan darating si Jeanelyn.

Ayon kay Padernal, plano nilang ilagay ang kaniyang labi sa bahay ng kanilang lola Emiliana at kanilang pag-uusapan ang iba pang mga plano.

Samantala, inamin din ni Nelly na nananawagan mismo ang pamilya ni Jeanelyn na sana’y magparamdam umano ito sa kanila upang malaman ang kaniyang mga huling sinabi bago siya namatay.

Nabatid na malapit din si Villavende sa kaniyang nakakabatang kapatid kung saan plano pa sana niya itong suportahan sa pangarap nitong maging isang pulis.

Emosyonal ring nananawagan si Padernal kay Pangulong Rodrigo Duterte na matulungan silang makamit ang hustisya sa kamatayan ni Jeanelyn.