LA UNION – Naghayag ng magkahalong lungkot at pagkadismaya ang ilang pamilya na inulila ng mga OFW na namatay sa COVID 19 sa ibang bansa.
Ito’y matapos ipaalam umano sa kanila ng mga kinauukulan na sila ang magbabayad para sa cremation at sila rin umano ang maghahanap ng crematorium na pagdadalhan ng bangkay.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo La Union kay Brenden Espacio, nakatira ngayon sa Camiling, Tarlac, unang sinabi sa kanila na sasagutin umano ng pamahalaan ang bayad sa cremation kung kaya’t nagulat sila nang biglang magbago ang plano, na sila ang gagastos sa cremation ng bangkay at sila na rin ang maghahanap ng crematorium.
Ayon kay Espacio, nakadagdag sa kanilang pagdadalamhati ang pagpasan sa kanila ng gastusin sa cremation.
Ang ama ni Brenden na si Ronulfo Espacio, tubo ng Pangpang, Bacnotan, La Union na nagtrabaho sa bansang Saudi Arabia bilang electrician ay namatay sa COVID 19.
Isa ito sa mga mahigit 80 bangkay na dumating sa bansa ngayong araw, galing ng bansang Saudi Arabia.