-- Advertisements --
DOH coronavirus advise

Natunton na ng Bureau of Immigration (BI) ang kinaroroonan ng ilang Chinese national na sinasabing kaanak ng isang pasyenteng umano’y nagpositibo sa 2019 Novel Coronavirus sa Hong Kong.

Ang naturang pamilya ay dumating kahapon sa Manila mula Hong Kong sakay ng Cebu Pacific 5J111 at lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dakong ala-1:20 ng hapon.

Ayon sa BI, mino-monitor na nila ang naturang pamilya at agad nilang ire-refer sa Bureau of Quarantine.

Una rito, inatasan na ng Department of Justice (DoJ) ang BI at National Bureau of Investigation (NBI) na tuntunin ang kinaroroonan ng mga Chinese national.

Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, tiyak na may mga hakbang na ang DoH at Bureau of Quarantine sa isyu para i-restrict at ma-monitor ang galaw ng naturang pamilyang Chinese na dumating sa Pilipinas kahapon, January 22.

Nauna nang kinumpirma ng Cebu Pacific na sakay ng isa sa kanilang eroplano ang mga Chinese na kamag-anak ng pasyenteng Chinese, na mula sa Wuhan.

Sa ngayon ay hinihingi na ng DoH ang flight manifesto ng Cebu Pacific upang mabatid ang ilang mahahalagang impormasyon kaugnay sa mga pasaherong Chinese.